pinagkukumot ako ni misis sa lalawigan
talagang ako'y laging pinaaalalahanan
ganyan ang pagmamahal, sadyang di matatawaran
magkasama sa kutson, may kumot pa kami't unan
subalit balik sa dati nang bumalik sa lungsod
hihiga sa silyang kahoy, walang unan at kumot
tila mandirigmang kung saan-saan napalaot
aba'y pag inantok na'y nakahubad pang matulog
kaysarap kasing umidlip sa papag man o sahig
kaysarap kasing humimbing pag nahiga sa banig
di gaya sa kutsong malambot na tila ligalig
di pa sanay magkumot sa lugar mang anong lamig
sanay mang humiga sa papag ng buong pagsinta,
kung saan mapasandal, pipikit at tutulog na
gayunman, huwag balewalain ang paalala
tandaang lagi ang bilin ni misis, "Magkumot ka!"
- gregoriovbituinjr.
Mga katha ni Gregorio V. Bituin Jr., ang makata ng Distrito IV ng Maynila, mula sa Balic-Balic, Sampaloc, Maynila.
Lunes, Oktubre 26, 2020
Walang kumot sa pagtulog
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento