PAGLALABA SA KANAL
binidyuhan ko lang nang makita
ang isang matandang naglalaba
sa tubig ng kanal, sa bangketa
dahil tubig ba'y libre talaga?
kita kong malakas ang pag-agos
ng tubig, baka kaya nilubos
ng matanda, paglaba'y rinaos
lalo't sa buhay siya'y hikahos
bakit kanal ang nilabhang lubha?
nitong matandang tingnan mo't dukha?
kawawang buhay ng maralita
baka wala pang bahay si Tanda
ayoko pang tingnan siyang baliw
kundi sa pagbidyo pa'y naaliw
matandang kapara'y basang sisiw
na marahil iniwan ng giliw
- gregoriovbituinjr.
08.09.2022
* ang bidyo na 15 segundo ang haba ay nasa kawing na: https://fb.watch/eOd7NSrM28/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento