Mga katha ni Gregorio V. Bituin Jr., ang makata ng Distrito IV ng Maynila, mula sa Balic-Balic, Sampaloc, Maynila.
Sabado, Abril 11, 2020
Ang ulam namin kagabi
Ang ulam namin kagabi
sardinas na may talbos ng kamote at kamatis
simpleng ulam kagabi upang gutom ay mapalis
sa panahon ng lockdown ay magtipid at magtiis
di lumalabas ng bahay, animo'y dusa't hapis
talbos ng kamote na may kamatis at sardinas
talbos na tanim, sa bakuran lang namin pinitas
habang nasa isip ay paano na kaya bukas
habang kakaunti na lang ang nariritong bigas
kamatis na may sardinas at sa kamote'y talbos
ulam itong pang-relief, pang-survivor, at pangkapos
walang trabaho, walang kayod, wala ring panggastos
gayunman, pasalamat na rin kami't nakaraos
sardinas na may kamatis at talbos ng kamote
ito lamang ang payak na ulam namin kagabi
nakakabusog na rin, kahit kaunti'y mabuti
pampalipas ng gutom, pampalusog din, ang sabi
- gregbituinjr.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento