Mga katha ni Gregorio V. Bituin Jr., ang makata ng Distrito IV ng Maynila, mula sa Balic-Balic, Sampaloc, Maynila.
Lunes, Abril 13, 2020
Magandang kalusugan ay isa nang alas
Magandang kalusugan ay isa nang alas
ayokong magkasakit at kayhirap magkasakit
anong pambayad sa ospital kung pera'y maliit
pag iyon ay nangyari, sa sarili na'y nagkait
tila ba karanasang iyon ay sadyang kaylupit
nanaisin ko pang mamatay kaysa maospital
at pahirapan ang pamilya sa presyong kaymahal
ng gamot, ng bayad sa ospital, nakasasakal
pag ganyan ang nangyari'y di na ako magtatagal
kaya kalusugan ko'y aking inaalagaan
pinatitibay kong kusa ang bawat kong kalamnan
umiinom ng gatas nang lumakas ang katawan
isda't gulay naman upang lumusog ang isipan
"Bawal magkasakit", sabi sa isang patalastas
sinusunod kong payo upang ako'y magpalakas
kumain ng tama, bitamina, gulay at prutas
aba, magandang kalusugan ay isa nang alas
- gregbituinjr.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento