SUNGKÔ
minsan, kaibigan, ikaw ay aking susungkuin
at nang makalabas ng bahay upang magpahangin
magkumustahan at pagkwentuhan ang buhay natin
magkape man o sa harap ng tagay o inumin
balita ko, ikaw daw ay magiging isang sungkô
talaga bang sapilitan kang kukunin ng hukbô
upang magsanay, upang mananakop ay masugpô
upang di agad sumukò, kundi dugô'y ibubô
sa Ingles ay draft, sa basketbol din ay magagamit
lalo sa sanaysay, kwento, gansal, tanaga, dalit
upang payabungin ang wikang sa bayan umugit
upang maging karaniwan pag dila ang bumitbit
tulad ng sungkô na isa palang lumang salita
na kung gamitin sa pagkatha'y magiging sariwa
- gregoriovbituinjr.
01.04.2023
* sungkô - [Bikol, Sinaunang Tagalog] 1: pagdalaw sa isang tao upang anyayahang lumabas ng bahay; 2: [Militar] sapilitang pagkuha upang maglingkod sa hukbo, sa Ingles ay DRAFT,
- mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1186
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento