Linggo, Hunyo 23, 2024

Pusong bakal


PUSONG BAKAL

minsan, kailangan natin ng pusong bakal
upang sa ganitong buhay ay makatagal
upang harapin ang problema ng marangal
upang labanan ang mga utak-pusakal

di sa lahat ng problema'y panghihinaan
ng loob kundi matuto tayong lumaban
dapat nating patatagin ang kalooban
laban sa sistemang bulok ay manindigan

marami ang manunuligsa't manlalait
sa tulad nating kanilang minamaliit
huwag tayong umiyak at maghinanakit
tumindig tayo't kapitbisig ng mahigpit

maraming isyu't usapin ang naririnig
pati pagkatao natin ay nilulupig
huwag panghinaan, huwag magpapadaig
balang araw, tayo naman ang mang-uusig

minsan, kailangang bakal ang ating puso
sa paglaban sa burgesya't mga hunyango
na tanging gawaing di sila humihinto
ay pagsasamantala't pagkahig ng tubo

- gregoriovbituinjr.
06.23.2024

* litrato mula sa google

Sabado, Hunyo 22, 2024

Kahulugan ng pagsinta

KAHULUGAN NG PAGSINTA

hinagilap kita noon sa diksyunaryo
kung ano ang kahulugan ng pag-ibig mo

hinahanap din kita sa bawat salita
kung kitang dalawa'y talagang magkatugma

sa glosaryo'y anong kahulugan ng puso?
hinarana pa kita ng buong pagsuyo

ah, kailangan ko ng talasalitaan
upang maunawaan bawat kahulugan

nag-unawaan ang dalawang umiibig
pagkat diksyunaryo'y puso kaya nagniig

pagkat bawat salita'y isang panunumpa
sa Kartilya ng Katipunan nakatala

kaya ang pag-ibig ko'y iyong iyo lamang
"mahal kita" ang sigaw kong pumailanlang

- gregoriovbituinjr.
06.22.2024

5067 at 6507

5067 AT 6507

bihirang magtama ang iskor at bilang ng laro
subalit naganap, rambol nga lamang ang numero
sa Word Connect, pang-six thousand five hundred seven laro
habang five thousand sixty seven naman ang iskor ko

tigisang digit na zero, five, six, at seven, di ba?
pareho ng numero, magkaibang pwesto lang nga 
abangan ko'y iskor at bilang ay sabay talaga
subalit kailangan dito'y sipag at tiyaga

halimbawa, sa larong pang-six thousand eight hundred ten
ang iskor kong nakuha'y six thousand eight hundred ten din
dapat lang matiyempuhan nang magawang magaling
at huwag susuko, sa laro'y magkonsentra man din

salita'y nakakatuwang laruin sa Word Connect
subalit minsan din dapat sa salita'y matinik
sa larong ito, placard pa ang salitang natitik
plakard na sa pagkatao ko'y tatak nang sumiksik

- gregoriovbituinjr.
06.22.2024

Mas ligtas daw ang tubig-gripo

MAS LIGTAS DAW ANG TUBIG-GRIPO

maniniwala ka ba sa sabi ng D.E.N.R.
mas ligtas ang tubig-gripo kaysa tubig-mineral
subalit ito'y aking nagagawa nang regular
pagkat mas mura't sa tubig-gripo'y nakatatagal

ang kalidad ng tubig, sa D.E.N.R. ay misyon
anila, di lahat ng water refilling station
kalidad ng tubig, di laging nasusuri ngayon
dapat walang kaibang amoy, lasa't kulay iyon

gayunman, hilig kong uminom ng tubig sa gripo
minsan, iniinit; minsan sa tiyan na'y diretso
lalo't maraming ginagawa't nauuhaw ako
na nais kong matighaw agad ang pagkauhaw ko

pakiramdam ko'y di naman ako nagkakasakit
di pa butas ang bulsa, ito pa'y sulit na sulit
huwag lang tubo'y kinakalawang, tiyak sasabit
ang iyong tiyan, baka wala ka nang maihirit

- gregoriovbituinjr.
06.22.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Hunyo 15, 2024

Salin ng akda ni Hemingway

SALIN NG AKDA NI HEMINGWAY

nakita kong muli sa munti kong aklatan
akda ni Hemingway sa buhay-karagatan
ang "The Old Man and the Sea" na sinalin naman
ni Jess Santiago na kilala sa awitan

sa The Bookshop ng UP Hotel nabili ko
sa halagang sandaan at limampung piso
naglathala'y Sentro ng Wikang Filipino
binubuo ng sandaang pahina ito

buti't naisalin na ang ganitong akda
nang sa gaya ko'y maging kauna-unawa
lalo't isang Nobel Prize winner ang maykatha
na pagpupugayan mo sa kanyang nagawa

ating basahin "Ang Matanda at ang Dagat"
sinalin sa ating wika't isinaaklat
kaygaan basahin, madaling madalumat
mabuhay ang nagsalin, maraming salamat!

- gregoriovbituinjr.
06.22.2024

Biyernes, Hunyo 21, 2024

Tinutula ko pa rin...

TINUTULA KO PA RIN...

tinutula ko pa rin ang pakikibaka
ng manggagawa, maralita, magsasaka
upang ibagsak ang naghaharing burgesya
at itaguyod ang panlipunang hustisya

tinutula ko pa rin ang pinapangarap
na lipunang patas at walang pagpapanggap
lipunang makataong walang naghihirap
na kaginhawahan ng dukha'y nalalasap

tinutula ko pa rin ang bawat pagtutol
sa mga isyu't usaping nakakulapol
na tila batik sa gobyerno't madlang pipol
tulad ng klima, ChaCha, gera't panunulsol

tinutula ko pa rin ang uring obrero
sa kanilang laban ay nakiisa ako
nang pakikibaka nila'y maipanalo
nang lipunan nila'y maitayong totoo

- gregoriovbituinjr.
06.21.2024

Is-ra-el ba'y nag-ala-Na-Zi?

IS-RA-EL BA'Y NAG-ALA-NA-ZI?

pinupulbos ang Palestino
ginagawa na'y dyenosidyo
pinapaslang ang kapwa tao
bakit ba nangyayari ito?

nagyabang bang anak ng Diyos?
na lahing pinili ng lubos?
na sa anumang pagtutuos
kakampihan sila ng Diyos?

Katoliko'y bulag-bulagan?
Is-ra-el pa'y kinakampihan?
Father, bakit ba kayo ganyan?
aba, kayrami nang pinaslang

kahit mali ang ginagawa?
ay maka-Is-ra-el pang lubha?
gawa sa Palestinong madla
ay talagang kasumpa-sumpa

ginagaya nila si Hitler?
sa dami ng mga minarder?
Palestino na'y sinisiil
kailan ganito'y titigil?

- gregoriovbituinjr.
06.21.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Hunyo 9, 2024, pahina 3

Balong

BALONG

sa Luneta, isa iyong balong
o fountain, tubig na pinasirit
habang may musikang tumutugtog
at napakakulay pa't marikit

saglit akong napatigil doon
upang magpahinga at magnilay
binidyuhan ang balong na iyon
na ilaw ay aliw na nagsayaw

sana doon sinta ko'y kasama
naglilibot kami't namamasyal
subalit kaylayo ng Luneta
upang isama't doon magtagal

sa balong ay napatitig ako
tubig ba'y naaksayang totoo?

- gregoriovbituinjr.
06.21.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/sQTSEq7oHU/

Dapulak

DAPULAK

ang alam ko'y may salitang dapurak
nagpipiga ng katas sa pagtapak
habang sagot sa krosword ay dapulak
amag sa halaman pala ang linsyak!

dagdag sa nababatid na salita
at sa pag-unlad ng sariling wika
dapurak at dapulak, magkatugma
na sa pagtula'y talagang sariwa

mga katagang di agad mapansin
ngunit sadyang mahalaga sa atin
upang kaalaman ay paunlarin
at lumawig ang panitikan natin

muli, salamat sa palaisipan
umuunlad ang talasalitaan

- gregoriovbituinjr.
06.21.2024

dapulak - maliliit at puting funggus sa halaman at puno
dapurak - paulit-ulit na pagtapak ay pagpiga upang humiwalay ang katas sa tinatapakan
- mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 265
- palaisipan mula sa Pilipino Star Ngayon, Abril 28, 2024, p. 10

I'm just a struggling writer

I'M JUST A STRUGGLING WRITER
(a Filipino dalit in English)

I'm just a struggling writer
for urban poor and laborer
also poet in the corner
who is fond of rhyme and meter
sometimes have sweet and bad temper

what I'm writing is what is right
although I'm a Left when I write
what I feel, hear, or what's in sight
some topics are heavy and tight
while others are easy and light

sometimes I look in the mirror
what if I became a juror
writes about tokhang, its horror
and judging with all my valor
that those topics should I abhor

- gregoriovbituinjr.
06.21.2024

* dalit - a native Filipino poem composed of eight syllables per line

Huwebes, Hunyo 20, 2024

Pabula: Huntahan ng 2 pusa

PABULA: HUNTAHAN NG 2 PUSA

nakita ko ang dalawang alaga
masarap ang higa ng isang pusa
habang isa naman ay nakalinga
na animo'y naghuhuntahang sadya

tanong ng isa, "Saan ka patungo?"
sagot sa kanya, "Ako'y manunuyo
ng pusang kayganda't nararahuyo!"
"Ingat, baka tungo ay biglang liko!"

nakakatuwa't may payo pang hatid
ang ate'y nagbilin pa sa kapatid
mag-ingat upang di ito mabulid
sa disgrasyang di nito nababatid

dalawa silang alaga sa bahay
doon na isinilang silang tunay
kaya lagi akong nakasubaybay
nang may maikwento't maisalaysay

- gregoriovbituinjr.
06.20.2024

* litratong kuha ng makatang gala

Ang maglingkod sa masa

ANG MAGLINGKOD SA MASA

O, kaysarap maglingkod sa masa
kaya ako naging aktibista
magkakasamang nakikibaka
para sa panlipunang hustisya

api ang sektor ng sagigilid
paglaya nila'y nasang ihatid
silang sa karimlan binubulid
ng burgesya't elitistang ganid

kapitalismo'y nakakubabaw
sa pamahalaang tuod man daw
upang tubo nila'y mapalitaw
kaya obrero'y kayod kalabaw

pati na dukhang kapos na kapos
ay patuloy na nabubusabos 
sangkahig, sangtuka na't hikahos
na ginhawa'y asam nilang lubos

nais kong kahirapa'y mapawi
patas na lipunan ang lunggati
parehas na palakad ang mithi
pantay na sistema't walang hari

tubo'y bawasan, sweldo'y taasan!
pagsirit ng presyo ay pigilan!
pagsasamantala ay labanan!
itayo, makataong lipunan!

- gregoriovbituinjr.
06.20.2024

* sagigilid - marginalized
* kuha sa pagkilos sa Recto bago mag-Mendiola, Hunyo 12, 2024    

Miyerkules, Hunyo 19, 2024

Ulap na anyong bakunawa

ULAP NA ANYONG BAKUNAWA

ulap na anyong bakunawa ang natanaw
katanghaliang tapat, sikat pa ang araw
sa buwan lang ang bakunawa nauuhaw
nalunok na niya'y anim na buwan na raw

bakunawa yaong kumakain ng buwan
pag may eklipse o laho sa kalangitan
na sa alapaap ay aking natandaan
na sa panitikan nati'y matatagpuan

bakunawa'y tila dragon ang masasabi
o kaya sa Ibong Adarna ay serpyente
o sa Griyego ay ang earth-dragon ng Delphi
tulad ng nagngangalang Python at Delphyne

anong sarap pagmasdan ng ulap sa langit
mga disenyong di sa atin pinagkait
ulap na bakunawa, na ulan ang bitbit
sakaling bumuhos sana'y di nagngangalit

- gregoriovbituinjr.
06.19.2024

Pagpupuyat na naman

PAGPUPUYAT NA NAMAN

gabi hanggang madaling araw ay gising pa
di pa rin makatulog ang makatang aba
kaya si misis, ako'y laging pinupuna
sasabihan akong dapat magpahinga na

tanto ko namang tama talaga si misis
pikit man ako, sa diwa'y nagkakahugis
yaong mga katagang di ko na matiis
bigla akong babangon sa pagkagiyagis

agad kong isusulat ang nasasaisip
na ibinulong ng nimpa sa panaginip
hinggil sa samutsaring isyung halukipkip
pag nawala sa diwa'y walang kahulilip

kaya babangon ako't tiyak mapupuyat
upang lamig ay damhin nang nakamulagat
upang kathain ang sa diwa'y di maampat
upang sa kwaderno ang tinta'y ipakalat

- gregoriovbituinjr.
06.19.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect
* pagkagiyagis - pagkabalisa
* kahulilip - kapalit, di na maaalala

May kalayaan ba kung gutom ang masa?

MAY KALAYAAN BA KUNG GUTOM ANG MASA?

may kalayaan ba / kung gutom ang masa
may magagawa ba / sa palsong sistema
bakit naghahari / ang kapitalista't
masa'y tinapakan / ng tusong burgesya!

bakit patuloy pa / ang sistemang bulok
bakit namumuno'y / pawang trapong bugok
dinggin natin yaong / awiting Tatsulok:
ang dukha'y atin nang / ilagay sa tuktok

ang kapitalismo'y / talagang marahas
na sa dagdag sahod / sadyang umiiwas
ang lipunan dapat / patas at parehas
kaya dagdag sweldo'y / agad isabatas

iyang masang gutom / ay wala ngang laya
pagkat nasa hawla / ng trapo't kuhila
doon ipiniit / ang mayoryang dukha
sa sistemang ganyan / dapat makawala

kaya sambayanan, / tarang magsikilos
at magkapitbisig / tayong mga kapos
paghandaan itong / pakikipagtuos
sa sistemang dapat / nang wakasang lubos

- gregoriovbituinjr.
06.19.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Daang Espanya, Maynila, Hunyo 12, 2024

Martes, Hunyo 18, 2024

Pagdalaw ng paruparong itim

PAGDALAW NG PARUPARONG ITIM

may paruparong itim na ligaw
nasok sa silid, biglang lumitaw
tanda ba iyon ng pagkamatay?
may namatay, o dalaw ng patay?

doon sa munti kong barungbarong
ang abang makata'y nagkukulong
na animo'y nilamon ng dragon
gayong alagata ang kahapon

bakit may itim na paruparo
sa mapamahiin, iba ito
ngunit sa akin ang pagkaitim
ay mana dahil ina'y maitim

tulad din ng Itim sa Aprika
dahil ba maitim, masama na
gayong ganyan ang kanilang kulay
na itim ang balat nilang taglay

naalala ko tuloy ang kwento
yaong Black Cat ni Edgar Allan Poe
ang masama, gumawa ng krimen
puti ang balat, budhi ay itim

- gregoriovbituinjr.
06.18.2024

Ang saklad o sakong ng palad

ANG SAKLAD O SAKONG NG PALAD

sa pagitan ng galang-galangan at palad
ang sakong ng palad o tawag nati'y saklad
pansin iyon pag sa balibol nakababad
kita paano maglaro ang mapapalad

na ipinanghahampas ng balibolista
sa saklad nila pinatatama ang bola
sinasanay nilang maigi sa tuwina
kaya kumakapal ang mga saklad nila

ganyan ang pagpalo ng Alas Pilipinas
na pag naglaro animo'y palos sa dulas
sa laro, hampas ng saklad nila'y malakas
habang nilalaro nila'y parehas, patas

sa ating mga balibolista, MABUHAY!
at kami rito'y taospusong nagpupugay!
ipakita pa ninyo ang galing at husay
at hangad namin ang inyong mga tagumpay!

- gregoriovbituinjr.
06.18.2024

Anong nararapat itapon?

ANONG NARARAPAT ITAPON?

saan dapat itapon ang mga basura?
dapat bang itapon sa ilog o kalsada?
saan itatapon ang pambalot ng tinapa?
lalagyan ng pandesal o mga delata?

paano ang mga basurang nabubulok?
itatapon bang tulad ng sistemang bulok?
susunugin ba ito't nakasusulasok?
huwag pagsamahin ang bulok sa di bulok?

paano itatapon ang bugok na trapo?
na katiwalian lang ang laman ng ulo?
ugaling palamara ba'y maibabato?
tulad ng tuso, sukab, gahaman at lilo?

sa daigdig ba'y tambak-tambak na ang plastik?
na kahit sa karagatan ay nakasiksik?
lulutang-lutang, anong ating mahihibik?
kikilos ba tayong walang patumpik-tumpik?

di magandang alaala ba'y matatapon?
tulad ng masasakit na danas mo noon?
o ituturing na aral ang mga iyon?
maitatapon ba ang danas ng kahapon?

paano rin kaya tayo wastong kikilos?
kung mga basura'y hinahayaang lubos?
bakit ba ang basura'y di matapos-tapos?
ay, sa basura'y mayaman tayo, di kapos!

- gregoriovbituinjr.
06.18.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Lunes, Hunyo 17, 2024

Alipapâ

ALIPAPÂ

Bubungan Patag, sa Dalawampu Pababâ
di ko batid ang kasagutan, ano kayâ?
hanggang mapalitaw ang sagot: alipapâ
may impit ang bigkas, may tudlik na pakupyâ

at ang UP Diksiyonaryong Filipino
ay akin din namang sinangguning totoo
at ang salitang alipapa'y nakita ko
na 'patag na bubong' ang kahulugan nito

alipapâ ay talipapâ ang katunog
lumang salita bang kaylalim o kaytayog?
o salitang kilala sa mga kanugnog
na magagamit din sa pagtula kong handog

palaisipang ito'y kaylaki ng tulong
upang bokabularyo'y talagang yumabong
tulad ng alipapâ sa 'patag na bubong'
para sa abang makata'y dagdag na dunong

- gregoriovbituinjr.
06.17.2024

* palaisipan mula sa pahayagang Abante, Hunyo 15, 2024, p.10
* mula sa UP Diksiyonayong Filipino, p.36

Condong nakaharang sa Mt. Fuji, gigibain na...

CONDONG NAKAHARANG SA MT. FUJI, GIGIBAIN NA...

photobomb pala ang condong / nakaharang sa Mt. Fuji
kaya nagprotesta roon / ang mamamayan, ang madla
na nagnanais tuluyang / ipagiba ang nasabi
lakas ng kilos-protesta'y / balita sa buong bansa

malapit nang i-turn-over / sa nakabili ng yunit
subalit mga protesta'y / tila di mapatid-patid
sa masa'y nakipulong pa / roon nang paulit-ulit
ang estate developer na / Sekusui House Limited

ang kanilang unang balak / ay labing-isang palapag
hanggang maging sampu na lang / na ang kisame'y mababa
ngunit nakaharang pa rin / ang condo kaya di payag
ang mga nagpo-protestang / nais itong ipagiba

kaya wala nang magawa / ang nasabing developer
nagpasya nang idemolis / ang condo nilang tinayo
ire-refund na lang nila / sa kanilang mga buyer
ang sampung milyong yen bawat / yunit, sa bulsa'y madugo

dahil sa mga protesta / ng mamamayang Hapones
gigibain ang photobomb / na humarang sa Mt. Fuji
at tayo naman, sa Torre / de Manila nagtitiis
na sa estatwa ni Rizal / ay photobomb din ang silbi

- gregoriovbituinjr.
06.17.2024

* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hunyo 15, 2024, pahina 5

Imbes itlog, kamatis sa eggtray

IMBES ITLOG, KAMATIS SA EGGTRAY

imbes itlog ay pawang kamatis
sa eggtray ng frigider o ng ref
pagkat pampakinis daw ng kutis
bukod sa tubig ay laman ng ref

mura ang kamatis kaysa itlog
na makakain mo pa ng hilaw
kahit buhay ay kakalog-kalog
ay may pag-asa pang natatanaw

di nawawala sa aking ulam
ang kamatis, sibuyas, at bawang
upang kagutuman ay maparam
sa sandaling salapi'y konti lang

O, kamatis, isa kang biyaya
sa mga tulad kong abang dukhâ
na sa tuwina'y laging kasama
sa pakikibaka't mga digmâ

- gregoriovbituinjr.
06.17.2024

Pahinga sa hapon

PAHINGA SA HAPON

umuulan na, maginaw, pahinga muna
sa hapon, hapong-hapo mula paglalaba
at sa samutsaring gawain sa kusina
upang makakain din ang buong pamilya

hapon, talukap ng mata'y papikit-pikit
habang si bunso sa ama'y nangangalabit
"Tulog na po tayo, Itay," ang kanyang hirit
habang si bunso sa bisig ko'y nangunyapit

radyo'y binuksan ko't musika'y pinakinggan
nagbabalita'y pasingit-singit din minsan
maya-maya, ito'y aking nakatulugan

ipinapahinga ang katawan sa hapon
nang may lakas upang magampanan ang misyon
at maya-maya lang, kami'y muling babangon

- gregoriovbituinjr.
06.17.2024

Ikaw

IKAW
Tula ni Vladimir Mayakovsky
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dumating kang -
may kapasyahan
sapagkat ako'y malaki,
sapagkat ako'y umaatungal,
datapwat sa masusing pagsusuri
nakita mo'y isang lalaking paslit.
Iyong dinagit
at inagaw ang iwi kong puso
at sinimulang
ito'y paglaruan -
na parang babaeng may bolang tumatalbog.
At bago ang himalang ito
ang bawat babae'y
alinman sa mga namamangha
o dalagang nagtatanong:
"Ang ibigin ang ganyang tao?
Bakit, baka suntukin ka niya!
Marahil tagapagpaamo siya ng leyon,
isang babae mula sa kulungan ng hayop!"
Subalit ako'y matagumpay.
Hindi ko maramdaman -
ang singkaw!
Nakalimot sa saya,
ako'y tumalon
at napalundag hinggil, sa nobyang mapula ang balat,
Nakaramdam ako ng ligaya
at gaan ng loob.

Isinalin: Hunyo 17, 2024
Maynila, Pilipinas

* litrato mula sa google

YOU
Poem by Vladimir Mayakovsky

You came –
determined,
because I was large,
because I was roaring,
but on close inspection
you saw a mere boy.
You seized
and snatched away my heart
and began
to play with it –
like a girl with a bouncing ball.
And before this miracle
every woman
was either a lady astounded
or a maiden inquiring:
“Love such a fellow?
Why, he'll pounce on you!
She must be a lion tamer,
a girl from the zoo!”
But I was triumphant.
I didn’t feel it –
the yoke!
Oblivious with joy,
I jumped
and leapt about, a bride-happy redskin,
I felt so elated
and light.

Halaman sa paso

HALAMAN SA PASO

maganda ring magtanim / ng halaman sa paso
alagaan sa dilig / nang gumanda ang tubo
tiyak na makakalma / ang loob mong napuno
ng sakit, pagdaramdam, / iwas ka sa siphayo

madalas iyang payo / ng mga may halaman
na makatutulong daw / kahit sa karamdaman
magtanim ka ng binhi / sa paso sa tahanan
lalo't ramdam mo'y init / diyan sa kalunsuran

doon sa aking lungga / ay nagtatanim-tanim
kaya nararamdaman / ang kaylamig na hangin
animo'y natatanggal / bawat kong suliranin
bagamat iniisip / paano lulutasin

kahit paano naman / ramdam ko'y matiwasay
puno man ng tunggali'y / mapanatag ang buhay
salamat sa halamang / ginhawa'y binibigay
kaya sa karamdaman / ay di ako naratay

- gregoriovbituinjr.
06.17.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa isang retawran

Linggo, Hunyo 16, 2024

Pagninilay sa tumba-tumba

PAGNINILAY SA TUMBA-TUMBA

minsan sa tumba-tumba nagninilay
ng mga paksang sadya kang aaray
na pati loob mo'y di mapalagay
kanino ka ba nagsisilbing tunay

umupo lang ako sa tumba-tumba
na madalas gamit noon ni lola
at ng mamay kong isang magsasaka
doon sa tubigan sa may sabana

nagunita ko muli sila ngayon
nang pinagninilayan ang kahapon
nang umupo sa tumba-tumbang iyon
na ako pala'y may dakilang misyon

makibaka ka, sabi ng mamay ko
basta may mali, aba'y punahin mo
at katarunga'y ipaglaban ninyo
pati na ang karapatang pantao

nasa gunita ang bilin ng mamay
katarungan ay ipaglabang tunay
huwag sumuko ang prinsipyong taglay
salamat, bilin ay buhay na buhay

- gregoriovbituinjr.
06.16.2024

Sabado, Hunyo 15, 2024

Bayngaw

BAYNGAW

maliit ang langaw
malaki ang bangaw
mas malaki, bayngaw
na dulot ay panglaw

kapag nakagat ka
dengue ang kapara
o kaya'y malarya
iwasan mo sila

mahirap makagat
at kung magkasugat
baka di maampat
tiyak malalagnat

paligid, linisan
pati ang tahanan
nang di pamugaran
ng bayngaw na iyan

- gregoriovbituinjr.
06.15.2024

* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.157
bayngaw - pangngalan Zoolohiya [Sinaunang Tagalog]: malaking bangaw na nangangagat

Walang kalayaan ang aliping sahuran

WALANG KALAYAAN ANG ALIPING SAHURAN

aliping sahuran / ang uring obrero
sa sistemang bulok / na kapitalismo
doon sa pabrika'y / dehadong dehado
kayod-kalabaw na't / kaybaba ng sweldo

ano bang sistema / diyan sa merkado?
di ba't nagbebenta / yaong nagpepresyo?
ngunit pagdating na / sa mga obrero
ang binebentahan / yaong nagpepresyo!

pagkat binibili / ng kapitalista
ang lakas-paggawa / sa tinakda nila
na presyo ng sahod / na napakamura
nagtakda ng presyo / ay kapitalista

kaya manggagawa'y / aliping sahuran
natatanggap nila'y / murang kabayaran
mapapamura ka / na lang ng tuluyan
sa sistema't ganyang / klase ng lipunan

dapat lang itayo / nitong manggagawa
ang lipunang sila / ang mamamahala
may layang kumilos, / may laya sa diwa
walang pang-aapi't / lipunang malaya

- gregoriovbituinjr.
06.15.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Espanya, Maynila noong Hunyo 12, 2024

3 anak, pinag-live show sa FB

3 ANAK, PINAG-LIVE SHOW  SA FB

kaytinding gawa ng isang ina
tatlong anak, pinaghubad niya
upang sa FB, mag-live show sila
kaso nga ng OSAEC talaga

pumasok sa dating app ng FB
siya muna ang nagso-show dati
nang sa kanya'y may nakapagsabi
kung may anak siyang binibini

kahirapan ang kanyang dahilan
upang anak ay pagkakitaan
at katawan nila'y paglaruan
niyong mata ng mga dayuhan

ginamit ang anak edad nwebe,
edad dose at edad katorse
grabeng gawa ng inang salbahe
nang NBI sa kanya'y humuli

nakaraan na'y apat na taon
nang simulan ang diskarteng iyon
tatlong libong piso'y kita roon
ngayon, ang nanay na'y huli't kulong

- gregoriovbituinjr.
06.15.2024

OSAEC - online sexual abuse and expolitation of children
* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Hunyo 14, 2024, pahina 1 at 2

Biyernes, Hunyo 14, 2024

Samantala, Pagsasamantala, Pansamantala?

SAMANTALA, PAGSASAMANTALA, PANSAMANTALA?

sa salitang binabasa ay napatitig ako
ang ibig sabihin niyon ay agad ninamnam ko
nabasa sa UP Diksiyonaryong Filipino
ang salita't magkatunggaling kahulugan nito

SAMANTALA ang tinutukoy kong salitang iyon
magkabaligtad ang kahulugang sinabi roon:
"huwag sayangin ang pagkakataon o panahon"
at "magmalabis sa paggamit ng pagkakataon"

pinagsamantalahan ang dalaga, ginahasa
dukha'y pinagsamantalahan sa sweldong kaybaba
sa pagsasamantala, aaklas ang manggagawa
samantalahin mo ang pagkakataon, ika nga

ang pagsasamantala bang lagi kong naririnig
sa rali ay pansamantala lang o bukambibig?
sa pagsasamantala ba'y sino ang mang-uusig?
kundi pinagsasamantalahang nagkapitbisig

samantala, panahon ay dapat samantalahin
kung ito'y makabubuti sa marami sa atin
di tulad ng trapong boto mo'y sasamantalahin
at manggagawa'y pinagsasamantalahan pa rin

samantala, umukit sa akin ang katanungan:
ang pagsasamantala ba'y pansamantala lamang?
habambuhay ba itong magagawa ng gahaman?
kung ganyan, samantalahin nating tayo'y lumaban!

- gregoriovbituinjr.
06.14.2024

* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1092
SAMANTALA pnd magsamantala, samantalahin 1: gamitin o huwag sayangin ang pagkakataon o panahon; 2. magmalabis sa paggamit ng pagkakataon
SAMANTALA pnb [Kapampangan, Tagalog]: sa loob ng namagitang panahon o kasabay na pagkakataon

Hatinggabi

HATINGGABI

kayrami pa ring gawain sa gabi
madalas napupuyat, laging busy
sa kakaisip ng bagong diskarte
nang isyu'y pag-usapan ng marami

gabi na'y nagtitipa pa sa laptop
ng saknong, taludtod, at pangungusap
sinasalaysay ang pinapangarap
na lipunang wala nang naghihirap

animo ako'y paniki o aswang
o sa isang puno'y tila tikbalang
panggabi akong naroon sa parang
ng digma't mabilis ang mga hakbang

hatinggabi na'y ayaw pang matulog
kinakatha'y nobelang anong tayog
o kwentong sa puso'y nakadudurog
o tulang sa madla inihahandog 

- gregoriovbituinjr.
06.14.2024

Huwebes, Hunyo 13, 2024

Barak, Galas, at Hayap

BARAK, GALAS, AT HAYAP

tatlong tanong na di ko alam ngunit nasagot ko
sa tulong ng UP Diksiyonaryong Filipino
pawang Pahalang ang tanong na di ko kabisado
kaya sinaliksik pa ang mga salitang ito

pag di alam ang Pahalang ay tingnan ang Pababa
at baka makuha mo ang marapat na salita
sadyang gayon naman ang madalas na ginagawa
hanggang mapalitaw ang hinahanap na kataga

diksyunaryo'y sinangguni ko't sagot ay nabuklat
sa katanungang Maputla, ang sagot pala'y BARAK
sa tanong na Pakla lasa, sagot naman ay GALAS
at sa tanong na Talim, kaylalim ng sagot: HAYAP

mga bagong salita iyon sa aking pandinig
o marahil, lumang salitang di na bukambibig
mabuti't sa talasalitaan tayo'y sumandig
kaya ngayon, mga iyon ay nabibigyang-tinig

- gregoriovbituinjr.
06.13.2024

* palaisipan mula sa pahayagang Abante, Hunyo 9, 2024, p.7

* 13 Pahalang: Maputla
BARAK - maputla dahil sa takot o dahil sa sakit, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), p.142
* 31 Pahalang: Pakla lasa
GALAS - 1. pakla; 2. latak ng asukal at pulot; 3. gaspang o ligasgas ng tabla o kahoy; 4. uri ng ubeng puti, UPDF, p.381
* 33 Pahalang: Talim
HAYAP - 1. talim ng anumang kasangkapang nakasusugat; 2. talas ng salita, UPDF, p.439

Pagbili ng aklat

PAGBILI NG AKLAT

pag may kaunting salapi
libro'y aking binibili
ngunit paksa'y pinipili
ninanamnam ng mabuti

pag may natira sa pera
damit naman ang bibilhin
may laan din sa pamilya
pambili ng makakain

sa aklat ko nahahango
ang maraming tula't kwento
kaya agad narahuyo
sa naggagandahang libro

pagkat nakapagmumulat
kaya magbasa ang nais
kung gusto mo rin ng aklat
pumunta na sa Books for Less,

Fully Booked, National Bookstore,
Powerbooks, Biblio, Goodwill,
Solidaridad, Rex Bookstore,
Popular Bookstore, o Book Sale

- gregoriovbituinjr.
06.13.2024

Tuyong dahon

TUYONG DAHON

pinapanatili ng tuyong dahon ang sayimsim
o halumigmig sa lupa, animo'y sinisimsim
ang alinsangan, marahil pati iyong panimdim
mamasa-masa ang lupa, alay ng puno'y lilim

pagkain din ng bulate ang mga tuyong dahon
na nalilikha'y vermi-compost na nakatutulong
sa paglago ng halaman, anong ganda ng layon
tuyong daho'y di basurang basta lang itatapon

tuyong dahon pa'y pataba pag nabaon sa lupa
kapaki-pakinabang pag sa kalikasan mula
upang puno't halaman ay magsilago't tumaba
pag ito'y namunga na, malaking tulong sa madla

matutuyo rin ang dahon pagdating ng panahon
ngunit sa lupa pala'y may magandang nilalayon

- gregoriovbituinjr.
06.13.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa loob ng Quezon Memorial Circle, Hunyo 12, 2024

* Ang nakasulat sa karatulang kinunan ng litrato ng makatang gala ay:

ALAM MO BA? Na ang tuyong dahon ay:

- Pinapanatili ang moisture sa lupa na tumutulong para ma-absorb ng halaman

- Ginagawang pagkain ng bulate upang makagawa ng vermi-compost na nakakatulong sa paglago ng halaman

- Hindi ito tinatapon bilang basura, bagkus, maaari itong mapakinabangan para maging pataba sa lupa

- Ang mga nalagas na tuyong dahon ay nakakatulong din sa pagpapanatili ng malamig na temperatura sa kapaligiran lalo sa panahon ng tag-init

- Naiiwasan ang pagdami ng damo sa lupa

* "Ang circle ay para sa ating lahat, mahalin at pangalagaan natin ito."

Ang landas kong tinatahak

ANG LANDAS KONG TINATAHAK

tinatahak ko ang landas ng magigiting
di ang landas ng hunyango, trapo't balimbing
kaya aagahan ko palagi ang gising
upang sa isyu'y di maging bulag at himbing

nais kong umaga'y sikatan na ng araw
upang Bitamina D sa akin pumataw
upang mula sa araw lakas ay mahalaw
upang sa bawat pagtakbo ko'y makahataw

bakit ba dapat arukin ang kalaliman
ng dagat na pawang plastik ang naglutangan
bakit ba dapat liparin ang kalawakan
ng langit gayong mas magandang ito'y masdan

saanmang lupa'y nais kong magtanim-tanim
ng magandang binhi, prinsipyo't adhikain
kahit na sa paso, binhi'y palalaguin
na balang araw, bunga nito'y aanihin

tinatahak ko ang landas ng pagbabago
na pinamumunuan ng uring obrero
nais kong matayo'y lipunang makatao
na serbisyo sa tao'y di ninenegosyo

- gregoriovbituinjr.
06.13.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Daang Espanya sa Maynila

LaroSalita

LAROSALITA

1

TULA, TULI, TULO

iyong tingnan ang mga salita
TULA ang kinatha ng makata
TULI sa mga nagbibinata
TULO kapara'y uhog at luha

2

ANTAK, ANTIK, ANTOK

ANTAK na ang aking mga sugat
ANTIK pa ang gasang inilapat
ANTOK na't ang daliri'y nakagat
nang magdugo'y di agad naampat

3

BANTA, BENTA, BINTA

BANTA raw ang natatanggap niya
dahil sa kalakal, walang BENTA
tumakas siyang sakay ng BINTA
sa dagat, naghabulan talaga

- gregoriovbituinjr.
06.13.2024

Miyerkules, Hunyo 12, 2024

Pangalagaan ang iisa nating mundo

PANGALAGAAN ANG IISA NATING MUNDO

sa isang sasakyan ay mayroong abiso
isang paalala sa ating kapwa tao
nasusulat: "Iisa lang ang ating mundo"
dagdag: "mahalin at ingatan natin ito"

dapat bang tayo'y maging environmentalist?
o mag-aral at tayo'y maging ecologist?

upang alagaan natin ang kalikasan
upang ating linisin ang kapaligiran
upang plastik ay mawala sa karagatan
upang basura'y mawala sa kabundukan

batid na ba kahit di tayo ecologist?
unawa ba kahit di environmentalist?

dapat nga'y nagkakaisa tayong kumilos
upang mapangalagaan nga nating lubos
ang ating kapaligirang kalunos-lunos
at tahanang kalikasang nanggigipuspos

- gregoriovbituinjr.
06.12.2024

* litratong kuha ng makatang gala mula sa isang komunidad ng maralita sa Rizal

Martes, Hunyo 11, 2024

Si Jirah Cutiyog, reyna sa Rapid Chess

SI JIRAH CUTIYOG, REYNA SA RAPID CHESS

sadyang kapuri-puri si Jirah Cutiyog
chess wizard siyang may pangarap na kaytayog
mga katunggali niya'y kanyang dinurog
panalo'y tiyak sa magulang inihandog

kabisado na niya ang King's Pawn opening
ayon sa ulat, kaya talagang magaling
nanguna na sa dibisyong girls under-sixteen
nagreyna pa sa Rapid Chess ang dalaginding

Grade 9 pa lang siya sa Bethel Academy
sa bayan ng General Trias sa Cavite
mahusay sa chess, mahusay ding estudyante
batang palaisip, magaling sa diskarte

ipakita mo pa, Jirah, ang iyong husay
sa larang mong pinili'y maging matagumpay
aming masasabi sa iyo'y pagpupugay
reyna ng Rapid Chess, mabuhay ka! MABUHAY!

- gregoriovbituinjr.
06.11.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Hunyo 11, 2024, pahina 11

Ang mag-inang pusa

ANG MAG-INANG PUSA

nasa ilalim ng traysikel ang mag-ina
nang sila'y makita ko kaninang umaga
tinulaan matapos kong kodakan sila
at ngayong hapon, kayganda ng tagpo nila

kitang ang anak ay kanyang pinasususo
ganyan ang nanay, kahit na sa mga tao
ayaw na anak ay magutom na totoo
habang ako naman dito'y nakiusyoso

kung may pusa ka'y masarap sa pakiramdam
di dumudumi sa bahay, kanilang alam
agad ngingiyaw, animo'y nagpapaalam
na sila'y dudumi't lalabas ng tahanan

kaya bubuksan ko naman agad ang pinto
pagngiyaw, dama mo ang kanilang pagsuyo
isda lang ang sa kanila'y aking pangako
sa kanilang tila kapamilya't kapuso

hinahayaan lang sila dito sa bahay
habang ako'y nagsusulat at nagninilay
kwento'y nirerebisa kung ayos ang banghay
pabula sa pusa'y unawa kayang tunay?

- gregoriovbituinjr.
06.11.2024

Sikat na ang pandesal

SIKAT NA ANG PANDESAL

madalas kong bilhin tuwing umaga
ay diyaryo at pandesal tuwina
kinaugalian ko na talaga
na pagkagising, iyan ang kasama

kanina, pagbuklat ko ng balita
pandesal pala'y sikat sa banyaga
kaya ngayon naglalaro ang diwa
bilang papuri, tula ay kinatha

O, pandesal, lagi naming agahan
nasa Top 40 World's Best Bread Roll naman
sikat na ang paboritong agahan
tumanyag na ang pandesal ng bayan

pagpupugay sa sikat na tinapay
lasang Pinoy, malinamnam na tunay
pag may pandesal, loob ko'y palagay
madalas kasama sa pagninilay

- gregoriovbituinjr.
06.11.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Hunyo 11, 2024, p.8

Ang makatang tahimik

ANG MAKATANG TAHIMIK

tahimik daw ako datapwat kaydaldal sa tula
kayraming nasasabi sa mga isyu ng madla
tahimik sa talakayan, tila laging tulala
kumbaga sa nililigawan ay umid ang dila

aminado naman ako sa pagiging tahimik
na animo'y tinamaan ng matalim na lintik
kaya marahil idinadaan ko sa panitik
ang nasasadiwa, nasasapuso't mga hibik

nagsasalita lang pag bumigkas sa entablado
ng tula para sa okasyong ako'y imbitado
nagsasalita upang ipaliwanag ang isyu
ng masa, ng bayan, lalo't tao na'y apektado

walang patumpik-tumpik pag nagsalita sa masa
di matahimik ang loob pag para sa hustisya
makatang tahimik ay nagsasalitang talaga
sinasabi bakit dapat baguhin ang sistema

- gregoriovbituinjr
06.11.2024

* kuhang litrato ng mga kasama sa Rizal

Higaan nila'y ilalim ng tricycle

HIGAAN NILA'Y ILALIM NG TRICYCLE

nakita ko kaninang umaga
ang kuting na ang kama'y kalsada
ang inahing pusa'y naroon pa
ilalim ng tricycle ang kama

nakapikit, tulog pa ang kuting
tila hinehele sa paghimbing
tiyak gutom ito pag nagising
at muli sa bahay maglalambing

hinanda ko na ang pritong isda
ulo, buntot, tinik sa alaga
hayop man sila'y may pusong sadya
naghahanap ng ating kalinga

ganyan kami sa loob ng bahay
sa pusang gala ay mapagbigay
habang narito at nagninilay
may nakakathang tula kong tulay

- gregoriovbituinjr.
06.11.2024

* kuhang litrato ng makatang gala sa tapat ng kanilang tahanan

Lunes, Hunyo 10, 2024

Walong libreng aklat mula sa KWF

WALONG LIBRENG AKLAT MULA SA KWF
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nang nabasa ko sa anunsyo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na may booth sila sa Luneta Park mula ngayon hanggang bukas bilang paghahanda nila sa "Araw ng Kalayaan" ay talagang sinadya ko sila, lalo na't patungo naman ako sa isang pulong sa ilang kasama sa San Andres Bukid sa Maynila bilang isa sa gawain ko sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Bilang makata't aktibistang manunulat, sinusuportahan ko ang anumang aktibidad hinggil sa sariling wika, lalo na sa panitikan. Kaya hindi na ako nagdalawang-isip na magtungo sa Luneta at hanapin ang booth ng KWF.

Pagdating ko sa Luneta, maraming booth ang naroon, na pawang mga ahensya ng pamahalaan. Napadaan ako sa booth ng Department of Agriculture, at nakahingi ng apat na primer mula sa Bureau of Plant Industry: Gabay sa Pagtatanim ng Malunggay, Pagpapatubo ng Gulay sa Pamamagitan ng Hydroponics, Organic Production of Cashew Planting Materials, at Organic Mugbean Seed Production. At nabigyan nila ako ng limang balot ng iba't ibang binhing pantanim.

Nag-ikot pa ako hanggang matagpuan ko ang booth ng KWF. Doon ay nabigyan nila ako ng walong mahahalagang aklat ng libre, na may nakatatak sa loob na Komplimentaryong Kopya mula sa KWF. Halos matalon ako sa tuwa. Naroon din ang isang kawani ng KWF na kumumusta sa akin, at sinabing nagkita na kami sa University of Asia and the Pacific, nang inilunsad nitong Abril ang Layag, na isang araw na kumperensya ng mga tagasalin. 

Ang mga aklat na ibinigay ng KWF ay ang mga sumusunod:
Dalawang Maikling Kwento
1. Kung Ipaghiganti ang Puso - ni Deogracias A. Rosario, 16 pahina
2. Ang Beterano - ni Lazaro Francisco, 28 pahina
Dalawang Maikling Kwentong Salin mula sa Ingles
3. Malaki at Maliit na Titik - ni Manuel E. Arguilla, salin ni Virgilio S. Almario, 36 pahina
4. Rubdob ng Tag-init - ni Nick Joaquin, salin ni Michael M. Coroza, 28 pahina
Tatlong Sanaysay sa Mahahalagang Usapin
5. Monograph 7: Purism and "Purism" in the Philippines, ni ni Virgilio S. Almario, 84 pahina
6. Monograph 9: Filipino at Amalgamasyong Pangwika - ni Virgilio S. Almario, 72 pahina
7. Monograph 11: Tatlong Siglo ng Pagsasaling Teknikal sa Filipinas - ni Virgilio S. Almario, at Pampanitikang Gawain ang Pagsasalin - ni Michael M. Coroza, 64 pahina
At isa pa:
8. Ang Tsarter ng ASEAN, 56 pahina

Ang una hanggang ikapito ay pareho-pareho ang sukat: 5.5" x 8.5" samantalang ang ikawalo ay maliit, na may sukat na 4.25" x 5.75".

Isa lang ang binili ko roon na may presyo talaga. Ang aklat na Introduksyon sa Leksikograpya sa Filipinas, ni Virgilio S. Almario, kalakip ang mga saliksik nina Cesar A. Hidalgo at John Leddy Phelan. Ang aklat na itong binubuo ng 248 pahina ay may sukat na 7" x 10".

Matapos iyon ay saka na ako nagtungo sa pulong namin sa San Andres.

Kumbaga, isang magandang karanasan na nakapunta ako sa booth ng KWF at nabigyan ako ng walong libreng libro. Maraming maraming salamat po.

MUNTING PASASALAMAT SA KWF

salamat po sa Komisyon sa Wikang Filipino
sa ibinigay na walong kopyang komplimentaryo
sadyang sa munti kong aklatan ay nadagdag ito
na aking babasahin naman sa libreng oras ko

apat na maikling kwento, dalawa rito'y salin
mga sanaysay pa sa pampanitikang usapin
ang Tsarter ng ASEAN ay maganda ring aralin
tiyak kong mga ito'y kagigiliwang basahin

tangi kong binili'y ang librong Leksikograpiya
interesado ako sa paksa't nais mabasa
leksikograpo'y tagatipon ng salita pala
na diksyunaryo ang proyekto't kanilang pamana

muli, maraming salamat sa nasabing Komisyon
ang mga bigay ninyong libro'y yaman ko nang ipon
bilang makata ng wika, ito'y isa kong misyon
upang mapaunlad ang wika kasabay ng nasyon

06.10.2024