Lunes, Hunyo 10, 2024

Mag-ingat laban sa rabies

MAG-INGAT LABAN SA RABIES

kapag nakagat ka ng aso
o kaya'y nakalmot ng pusa
magpabakuna nang totoo
bago pa rabies ay lumala

anang ulat, dalawang paslit
umano'y namatay sa rabies
bakuna'y huwag ipagkait
sa kagat ay huwag magtiis

huwag itong balewalain
lalo't ito'y leeg pataas
ito'y dapat agad gamutin
bago lumala ang sintomas

balita'y nakababahala
habang kayraming pusa't aso
sa lansangan ang gumagala
kahit pa ito'y alaga mo

rabies pala'y nakamamatay
pag di ito agad nagamot
na pag nilagnat ka't naratay
ah, rabies nga'y nakakatakot

- gregoriovbituinjr.
06.10.2024

* batay sa ulat na "Dalawang paslit, patay sa rabies," mula sa pahayagang Pang-Masa, Hunyo 10, 2024, headline at pahina 2.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento