Linggo, Hunyo 9, 2024

Sa tindahan ng aklat

SA TINDAHAN NG AKLAT

di ako mahilig sa barkada
na madalas bisyo'y walang kwenta
na araw-gabi'y tagay tuwina
yosi't pulutan ang mahalaga

tindahan ng aklat ang tambayan
libro'y sadyang pinag-iipunan
buting kausap ko'y panitikan
tula, pabula, kaysa bulaan

sa bawat salapi kong natipid
aking paa ako'y ihahatid
sa tindahan ng librong marikit
bibilhin ang librong nakaakit

magbasa ang buong maghapon ko
matapos tapusin ang trabaho
agad akong makikiusyoso
sa bida't kontrabida sa kwento

iyan ang bisyo ko, ang magbuklat
ng pahina ng asam na aklat
sisisirin ang lalim ng dagat
upang libro'y maarok kong sukat

- gregoriovbituinjr.
06.09.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento